TUTULAN AT LABANAN ANG SUSPENSION SA WAGE HIKE! IPATUPAD AGAD ANG ₱85 DAGDAG-SAHOD SA NCR!
Mariing kinokondena ng Defend Jobs Philippines ang pansamantalang pagsuspinde sa implementasyon ng Wage Order No. 27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–NCR sa pamamagitan ng inilabas na Status Quo Ante Order (SQAO).
Sa halip na agarang maramdaman ng mga manggagawa ang matagal nang hinihintay na dagdag-sahod, muli na namang naantala ang kanilang karapatan dahil sa legal na hamon na inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-II Builders, Inc. Habang patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, pamasahe, upa at iba pang batayang pangangailangan hindi katanggap-tanggap na ipagkait sa mga manggagawa ang kahit limitadong umentong matagal nang ipinaglalaban.
Ang ₱85 wage hike ay hindi pa rin sapat upang maabot ang tunay na nakabubuhay na sahod ngunit ito ay mahalagang kagyat na ayuda sa milyun-milyong manggagawang araw-araw na nakikipagbuno sa krisis sa kabuhayan. Ang pagsuspinde sa implementasyon nito ay malinaw na nagpapahaba lamang sa paghihirap ng uring manggagawa habang pinapaburan ang interes ng malalaking negosyo.
Naninindigan kami na hindi dapat maging kasangkapan ang mga legal na maniobra upang hadlangan ang karapatan ng mga manggagawa sa nakabubuhay na sahod. Ang interes ng iilang korporasyon ay hindi dapat manaig sa kapakanan ng milyun-milyong pamilyang umaasa sa kanilang arawang kita.
Hindi dapat ipagpaliban ang karapatan sa disenteng sahod. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, bawat araw na naaantala ang wage increase ay dagdag na pasanin sa mga manggagawa at kanilang pamilya!
Ipatupad ang ₱85 wage hike ngayon na! Tutulan at labanan ang suspensyon sa dagdag-sahod!

