DEFEND JOBS PHILIPPINES NANAWAGAN NG HUSTISYA AT KALAYAAN PARA KAY BOB REYES: WALONG TAON NANG INILALAYO SA AMIN ANG AMING KASAMA!
Walong taon nang ipinagkait kay Juan Alexander “Bob” Reyes ang kalayaang dapat sana’y ginagamit niya sa pag-oorganisa at pakikibaka kasama ang mga manggagawa. Sa araw ng promulgation ng kanyang huling kaso ngayong Oktubre 20, naninindigan ang Defend Jobs Philippines sa pagtatanggol sa aming dating convenor at sa laban para sa makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, at karapatang mag-organisa.
Noong Hunyo 2, 2018, inaresto si Bob matapos dumalo sa konsultasyon kasama ang mga manggagawa sa Quezon City. Sa loob ng walong taon, labing-apat na kaso ang kinaharap niya. Karamihan ay naibasura na, ngunit nanatili ang kasong illegal possession of explosives na nakatakdang resolbahin ng Quezon City Regional Trial Court Branch 97 ngayong araw.
Para sa Defend Jobs Philippines, ang sinapit ni Bob ay bahagi ng mas malawak na panggigipit sa mga manggagawa at organisador. Hindi lamang ang kalayaan ng isang tao ang nakataya, kundi pati ang karapatan ng mga manggagawang mag-organisa at lumaban nang walang takot sa pang-uusig.
Walong taon ang hindi na maibabalik—mga panahong dapat sana’y nakasama niya ang kanyang pamilya at mga kasama sa patuloy na pakikibaka.
Nananawagan ang Defend Jobs Philippines na manaig ang katotohanan at katarungan. Hinihiling namin ang pagpapawalang-sala kay Bob kung walang sapat na batayan upang siya ay hatulan, at ang kanyang agarang paglaya alinsunod sa magiging desisyon ng korte.
Anuman ang maging resulta ng promulgation, hindi namin isusuko ang kanyang laban. Patuloy naming ipagtatanggol si Bob at ang lahat ng manggagawang dumaranas ng panggigipit dahil sa pag-oorganisa.
Panahon nang manaig ang katarungan at makauwi si Bob sa kanyang pamilya at mga kasama.
PALAYAIN SI BOB REYES! HUSTISYA PARA SA MGA BILANGGONG PULITIKAL! IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWA!

