Lumaktaw sa nilalaman
DEFEND JOBSPHILIPPINES

Press statement · Nobyembre 12, 2026

HINDI DAPAT MANGANIB ANG SAHOD NG MANGGAGAWA DAHIL SA ASEAN SUMMIT! DEFEND JOBS PHILIPPINES, HINAHAMON ANG DOLE: GAWING MANDATORY ANG BAYAD SA NOVEMBER 16–18!

HINDI DAPAT MANGANIB ANG SAHOD NG MANGGAGAWA DAHIL SA ASEAN SUMMIT! DEFEND JOBS PHILIPPINES, HINAHAMON ANG DOLE: GAWING MANDATORY ANG BAYAD SA NOVEMBER 16–18!

Mariing kinokondena ng Defend Jobs Philippines ang pagpapatupad ng patakarang No Work, No Pay para sa November 16–18, 2026, na idineklarang Special Non-Working Days sa National Capital Region (NCR) kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Hindi katanggap-tanggap na habang ang pamahalaan ay naghahanda para sa isang malaking internasyonal na pagtitipon, ang mga manggagawa naman ang posibleng mawalan ng tatlong araw na sahod at kita.

Sa ilalim ng DOLE Labor Advisory No. 16, Series of 2026, ipinatutupad ang No Work, No Pay sa mga manggagawang hindi papasok sa nasabing mga araw, maliban kung may umiiral na company policy, established practice o Collective Bargaining Agreement (CBA) na nagbibigay ng mas magandang benepisyo.

Ngunit malinaw ang ating paninindigan: HINDI DAPAT IPASA SA MANGGAGAWA ANG GASTOS NG MGA DESISYON AT AKTIBIDAD NG PAMAHALAAN!

HINAHAMON NG DEFEND JOBS PHILIPPINES ANG DEPARTMENT OF LABOR AND EMPLOYMENT (DOLE):

Gawing MANDATORY ang pagbabayad ng buong sahod para sa November 16–18, 2026, sa lahat ng apektadong manggagawa, PRIVATE MAN O PUBLIC SECTOR, kahit hindi sila papasukin sa trabaho dahil sa deklarasyon ng pamahalaan.

Hindi dapat maging dahilan ang suspensyon ng trabaho upang bawasan ang kita ng mga manggagawa. Hindi nila kasalanan na kailangang magpatupad ng ganitong hakbang ang pamahalaan para sa isang internasyonal na pagtitipon.

Kung kayang maglaan ng pamahalaan ng pondo at mga kinakailangang paghahanda para sa ASEAN Summit, dapat ding tiyakin na protektado ang sahod at kabuhayan ng mga manggagawang maaapektuhan nito.

Hindi sapat ang pagbibigay ng premium pay sa mga papapasuking manggagawa. Dapat ding garantisado ang sahod ng mga manggagawang hindi makakapasok dahil sa opisyal na suspensyon ng trabaho.

Hindi dekorasyon ang manggagawa sa ekonomiya. Sila ang nagpapatakbo nito. Hindi dapat sila ang nagbabayad sa pamamagitan ng nawawalang sahod para sa mga desisyong wala naman silang kontrol.

DEFEND JOBS, DEFEND LIVELIHOODS, DEFEND LIVES!