This statement was published in Filipino. It is shown in its original wording.
SUMAMA SA PEOPLES SONA!
Statement on the Fourth State of the Nation Address (SONA) of President Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address, muling igigiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaangat ang ekonomiya at umuunlad ang bansa. Ngunit para sa milyun-milyong manggagawa at mamamayan, ang tunay na estado ng bansa ay hindi nasusukat sa mga estadistikang inilalahad sa SONA kundi sa araw-araw na pakikibaka upang mabuhay sa gitna ng mababang sahod, mataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng seguridad sa trabaho at patuloy na paglabag sa kanilang mga karapatan.
Isang linggo bago ang SONA, sama-samang inilantad ng mga unyon, samahan ng mga manggagawa, transport groups, vendors, hotel workers, people’s organizations, faith-based organizations at iba pang demokratikong sektor ang tunay na kalagayan ng uring manggagawa sa ginanap na State of the Workers Address (SOWA) NCR 2026 na pinangunahan ng Defend Jobs Philippines.
Sa SOWA, iisa ang naging mensahe ng mga manggagawa. Hindi nakabubuhay ang sahod. Hindi sapat ang trabaho. Hindi ligtas ang kabuhayan. Hindi iginagalang ang karapatang mag-unyon.
Kung ang SONA ay ulat ng administrasyon, ang SOWA ay ulat ng mga manggagawa. Sa SONA, maririnig ang mga pangako. Sa SOWA, narinig ang katotohanan.
Maaaring ipagmalaki ng administrasyon ang pagdami ng bilang ng mga may trabaho. Ngunit anong klaseng trabaho ang nalikha? Ayon sa pinakahuling datos, tatlo sa bawat apat na manggagawa ay nasa impormal na sektor. Mula 2022 hanggang 2026, nawala ang 1.2 milyong permanenteng trabaho habang 859,000 pansamantalang trabaho lamang ang nadagdag. Ibig sabihin, mas maraming manggagawa ang napilitang tanggapin ang mga trabahong walang kasiguruhan, mababang kita at kulang sa benepisyo.
Nanatili ring napakalayo ng sahod sa tunay na pangangailangan ng isang pamilya. Ang karaniwang arawang sahod sa buong bansa ay ₱512 samantalang umaabot na sa ₱1,301 kada araw ang Family Living Wage para sa pamilyang may limang miyembro. Kulang ng ₱788 bawat araw ang kinikita ng isang manggagawa upang matugunan lamang ang batayang pangangailangan ng kanyang pamilya. Habang tumataas ang produktibidad ng mga manggagawa, patuloy namang bumababa ang tunay na halaga ng kanilang sahod.
Mas ramdam ito sa NCR kung saan pinakamataas ang gastusin sa pamumuhay. Patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo, pagkain, pamasahe, upa, tubig at kuryente habang nananatiling hindi sapat ang sahod upang mabuhay nang may dignidad.
Hindi rin maitatago ang lumalalang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay. Umabot na sa 14.5 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay mahirap habang 6.5 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger. Anim sa bawat sampung Pilipino ang kumikita ng mas mababa sa ₱22,000 kada buwan. Sa kabilang banda, ang pinagsamang yaman ng sampung pinakamayayamang Pilipino ay umaabot sa US$58 bilyon. Ito ang malinaw na larawan ng isang ekonomiyang patuloy na lumilikha ng yaman para sa iilan habang iniiwan ang nakararami.
Kasabay nito ang patuloy na pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa. Nananatiling nasa ITUC Rating 5 ang Pilipinas, isa sa pinakamasamang antas sa mundo pagdating sa karapatang mag-organisa at mag-unyon. Hindi magiging tunay ang anumang pag-unlad kung patuloy na tinatakot, dinidiskrimina o sinisikil ang mga manggagawang nagtatanggol sa kanilang karapatan.
Ito ang dahilan kung bakit sa SOWA NCR 2026 ay sama-samang inilunsad ang NCR Workers’ Labor Agenda. Iginigiit nito ang nakabubuhay na sahod, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, people over profit, pagwawakas sa sapilitang migrasyon at child labor, mas matibay na proteksyon para sa OFWs at migrant workers, ligtas at makataong mga lugar ng paggawa, pagpapalaya sa mga nakakulong na unyonista at lahat ng bilanggong pulitikal, pananagutin ang mga kurap at tiwaling opisyal at serbisyo para sa mamamayan, hindi para sa negosyo.
Ito ang mga panawagang hindi maririnig sa SONA ngunit araw-araw na isinisigaw sa mga pabrika, opisina, komunidad at lansangan.
Hindi kailangan ng manggagawa ang isa na namang talumpati na nagsasabing maayos ang kalagayan ng bansa. Ang kailangan ng manggagawa ay nakabubuhay na sahod, regular at disenteng trabaho, karapatang mag-unyon, abot-kayang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo at isang ekonomiyang nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan at hindi sa tubo ng iilan.
Mula sa SOWA hanggang sa SONA, patuloy naming ilalantad ang tunay na kalagayan ng uring manggagawa. Hangga’t nananatiling hindi nakabubuhay ang sahod, laganap ang kontraktwalisasyon at patuloy na ipinagkakait ang karapatan sa pag-uunyon, mananatiling taliwas ang opisyal na SONA sa tunay na state of the nation na nararanasan ng sambayanang Pilipino.
Ang tunay na estado ng bansa ay ang estado ng mga manggagawa. At hangga’t hindi nagbabago ang ating kalagayan, patuloy nating itataas ang tinig, palalakasin ang pagkakaisa, at isusulong ang laban para sa sahod, trabaho at karapatan!

